Dalawang security guard ang nasawi matapos silang pagbabarilin ng kanilang kasamahan sa isang car dealership sa Quezon City ngayong Miyerkules.

Sa ulat ni Tuesday Niu sa Super Radyo dzBB, sinabi ni Quezon City Police District Director Police Colonel Randy Silvio, na natutulog ang mga biktima nang pagbabarilin ng salarin na security guard din.

Ayon sa isang kawani, hinikayat pa raw sila ng suspek na samahan siya sa pagpatay sa mga biktima.

Sinabi ni Silvio na dati nang may alitan ang suspek at mga biktima, at sinamantala nito ang pagkakataon habang natutulog ang dalawa.

Tumakas ang suspek sakay ng isang taxi at tinutugis na siya ng mga awtoridad.-- Jiselle Anne C. Casucian/FRJ GMA Integrated News