Hindi pipirmahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang panukalang 2026 General Appropriations Act (GAA) bago matapos ang taon, ayon sa kumpirmasyon ni Executive Secretary Ralph Recto nitong Miyerkoles.
Sa mensahe ni Recto sa GMA News Online, sinabi niyang pipirmahan ni Marcos ang panukalang batas na nagbabalangkas sa P6.793-trilyong pambansang badyet para sa 2026 sa unang linggo ng Enero.
“Yes, 1st week of January," sabi ni Recto.
Nang tanungin kung magkakaroon ng mga negatibong implikasyon ang naturang muling pagsasabatas ng badyet, sinabi ni Senate President Vicente "Tito" Sotto III, “Wala. A few days or a week or so, walang problema ‘yun.”
Nagtapos ang bicameral conference committee meetings noong nakaraang Huwebes.
Kapwa inayos ng Senado at Kamara ang kanilang kalendaryo para bigyang daan ang ratipikasyon ng ulat ng bicameral conference committee sa panukalang pambansang badyet para sa 2026 sa sandaling magbalik ang sesyon sa Disyembre 29. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News

