Hindi na umano palalawigin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang martial law sa Mindanao na mapapaso sa Disyembre 31.
Ayon kay presidential spokesman Salvador Panelo, ang desisyon ay ginawa ni Duterte batay na rin sa pagsusuri ng kaniyang security at defense advisers na humina na ang “terrorist and extremist rebellion" at maging ang krimen sa Mindanao.
Magkakaroon umano ng joint command conference si Duterte sa militar at pulisya sa Malacañang sa Lunes.
Sabi pa ni Panelo, na tiwala ang pangulo sa kakayahan ng security forces na panatilihin ang kapayapaan at seguridad sa Mindanao kahit wala nang martial law na ipinatupad simula noong 2017.
“The people of Mindanao are assured that any incipient major threat in the region would be nipped in the bud,” sabi ni Panelo.
Unang idineklara ni Duterte ang martial law sa Mindanao noong Mayo 2017 dahil umano sa plano ng extremist groups at international terror group na ISIS na magtatag ng teritoryo sa rehiyon sa pamamagitan ng Marawi siege.
Pagkaraan ng 60 araw, hiniling ni Duterte sa Kongreso na palawigin ang batas militar na tatlong ulit na pinagbigyan naman ng mga mambabatas. — FRJ, GMA News
