Inaprubahan na sa Kamara de Representantes nitong Lunes ang panukalang batas para gawing 56 mula sa kasalukuyang 60 ang edad ng pagreretiro sa hanay ng mga manggagawa sa gobyerno.
Sa botong 192, inaprubahan ng mga kongresista ang House Bill 5509, na nag-aamyenda sa Section 13-A ng Republic Act 8291 o ang Government Service Insurance System (GSIS) Act of 1997.
Layunin ng panukala na bigyan ng pagkakataon ang mga kawani ng gobyerno na makapagretiro ng mas maaga nang hindi lubos na maapektuhan ang kanilang buwanang sahod.
Sa kasalukuyang batas, ang mga miyembro ng GSIS ay maaaring makakuha ng retirement pay kapag nakapagtrabaho sa gobyerno ng hindi bababa sa 15 taon, at nagretiro sa edad sa 60, at hindi tumatanggap ng monthly pension benefit mula sa permanent total disability.
Kapag tuluyang naging batas ang House Bill 5509, ang retirement benefits na makukuha ng GSIS member ay ang mga sumusunod:
• lump sum payment of basic monthly pension times 60, payable at the time of retirement plus an old-age pension benefit equal to the basic monthly pension payable monthly for life, starting upon expiration of the five-year guaranteed period covered by the lump sum; o
• cash payment equivalent to 18 months of his or her basic monthly pension plus monthly pension for life payable immediately with no five-year guarantee.
Ang mga kalipikadong miyembro ng GSIS na nagretiro o nawala sa trabaho bago magkabisa ang panukala ay maaari pa ring mapakibangan ang nakasaad sa probisyon.— FRJ, GMA News
