Patay ang 4-anyos na bata matapos siyang masunog sa isang bakanteng lote sa Barangay Silangan, Quezon City. Ang nakitang huli niyang kasama at pinagbibintangan sa nangyari, ang isa pang bata na may special needs.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, kinilala ang biktima na si John Andrei Yapit.

Makikita ang tila pakikipaghabulan ni Yapit at ng isa pang bata Linggo ng hapon sa nasabing barangay.

Pumunta sila sa isang bakanteng lugar na madalas daw paglaruan ng iba pang mga bata sa lugar. Pero ilang saglit ang lumipas, nakita sa CCTV na mag-isa na lang lumabas ng bakanteng lote ang mas malaking bata.

Bago siya tuluyang umalis, sumilip muna siya sa bakod ng bakanteng lote.

Rumesponde ang mga bumbero matapos na may mag-apoy sa bakanteng lote, na hindi na nahagip ng CCTV.

Doon na nila nakita ang sunog na sunog na katawan ni Yapit.

Nakaburol sa kasalukuyan sa tabing kalsada si Yapit, pang anim sa pitong magkakapatid.

“Binilhan ko na po sila ng pamasko nila na mga gagamitin, mga gagamitin ng mga anak ko para sa Pasko para sa pag-ikot nila sa mga ninong at ninang, hindi na po niya magagamit," sabi ni Dina Yapit, ina ng biktima.

May special needs umano ang 11-anyos na batang nakitang huling kasama ng biktima.

"Habang pinapatay nila 'yung apoy may nakita silang bata na nasusunog, ang posisyon niya naka-ganon, nakahiga, parang humihingi ng tulong 'yung bata... Nu'ng pina-review ko 'yon dito sa CCTV, may bata na lumabas doon sa bakod na may dalang posporo. Hindi namin actually masabi na siya yon, basta nagbase kami sa CCTV," sabi ni Kagawad Reginaldo Rico, Brgy. Silangan, QC.

"Ang mensahe ko sa magulang, kung 'di nila kayang alagaan ang anak nila, i-surrender na lang nila sa DSWD kasi marami pa pong mapipinsala," panawagan ni Rene Yapit, ama ng biktima.

Ngunit ayon sa ina ng batang pinagbibintangan, nakakaunawa naman ang kaniyang anak pero hindi lang nakapagsasalita.

Pinasuri na niya ito sa doktor noong Oktubre pero makukuha ang resulta sa susunod pang taon.

Umapela siyang huwag munang husgahan ang kaniyang anak.

"Ang akala siguro nila napapalagay din ako sa nangyari, hindi. Gusto ko man silang kausapin pero natatakot ako mamaya bigla akong saktan... Hindi naman kasi natin masasabi na siya talaga ang may kasalanan kasi wala nga pong nakakakita," saad ng ina ng batang pinagbibintangan.

Patuloy ang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection sa nangyari. — Jamil Santos/MDM, GMA News