Ilang pekeng P1,000 bills ang na-withdraw ng isang lalaki sa isang mall sa Taytay, Rizal nitong nakaraang bisperas ng Bagong Taon, ayon sa ulat ni Victoria Tulad sa Balitanghali nitong Biyernes.
Nalaman lang daw ni Rodrigo Casas Jr. na peke ang mga na-withdraw niya na gamitin ng kanyang kapatid ang pera sa isang hardware store.
Aminado si Rodrigo na hindi na niya nasuri ang pera matapos itong i-withdraw.
Ayon sa tindera sa hardware store, nalaman niyang peke ang pera dahil hindi ito magaspang gaya ng totoong pera. Sinuri rin daw niya ito gamit ang money detector.
Inireklamo na raw ni Rodrigo ang nangyari sa branch ng bangko kung saan niya na-withdraw ang pekeng pera.
Wala pang opisyal na pahayag ang naturang bangko, pero ayon sa kinatawan nito ay iimbestigahan na nila ang insidente.
Tiniyak naman ng Bangko Sentral ng Pilipinas na ligtas pa ring gamitin ang mga ATM. Nagpaalala rin ito na dapat iturn-over agad sa mga bangko kung may makuhang kahina-hinanalang pera.
Paalala ng BSP, may kaukulang multa at pagkakakulong ang pamemeke ng pera. —KBK, GMA News
