Lumabas na ang Paramount Skydance ang nagwagi sa ilang buwan na labanan para makuha ang Warner Bros. Discovery, matapos na hindi na taasan ng streaming giant na Netflix ang kanilang alok para sa sikat na Hollywood studio.
"We've always been disciplined, and at the price required to match Paramount Skydance's latest offer, the deal is no longer financially attractive, so we are declining to match the Paramount Skydance bid," saad sa inilabas na pahayag ng Netflix.
Kinumpirma ng Netflix sa Reuters na umatras na ito sa pagbi-bid para sa Warner Bros Discovery. Kailangan pa umanong pormal na tapusin ng board ng Warner Bros ang kasunduan nito sa Netflix at saka aaprubahan ang alok ng Paramount Skydance.
"Once our board votes to adopt the Paramount merger agreement, it will create tremendous value for our shareholders," ayon kay Warner CEO David Zaslav sa pahayag. "We are excited about the potential of a combined Paramount Skydance and Warner Bros Discovery and can’t wait to get started working together telling the stories that move the world."
Patuloy na hinabol ng Paramount ang Warner Bros upang maagaw ito mula sa Netflix. Noong nakaraang linggo, muli nitong naibalik sa negosasyon ang Warner Bros sa pamamagitan ng posibleng mas mataas na cash offer.
Bago nito, sinabi ng Warner Bros na ang binagong alok ng Paramount na $31 kada share ay mas mataas kaysa sa $27.75 kada share na alok ng Netflix para sa streaming at studio assets ng Warner Bros.
Ayon sa isang adviser ng Netflix na tumangging magpakilala, inirekomenda nilang umatras na ang kompanya sa negosasyon dahil hindi na makatwiran ang halagang pinag-uusapan. Ipinahiwatig din ni Netflix co-CEO na si Ted Sarandos sa panayam noong Pebrero 20 na hindi nila lubos na tataasan ang alok, at iginiit na “very disciplined buyers” sila.
Dagdag pa ng tagapayo, nakikipaglaban sa negosasyon ang Netflix sa isang bilyonaryong handang magbayad ng presyong itinuturing nitong hindi makatwiran. Tinutukoy nito si Larry Ellison, co-founder, executive chairman at chief technology officer ng Oracle, at ama ng Paramount CEO na si David Ellison.
Kasunod nito, tumaas ng mahigit 10% ang shares ng Netflix matapos itong tumangging taasan ang kanilang alok.
Ang napipintong pagsasanib ng Paramount at Warner Bros, magbubuklod sa dalawang pangunahing Hollywood studio, dalawang streaming platform (HBO Max at Paramount+), at dalawang news operations (CNN at CBS).
May ugnayan ang pamilya Ellison kay US President Donald Trump. Gayunpaman, inaasahang haharap sa masusing pagsusuri sa antitrust ang bid sa Washington, sa ibang bansa, at sa mga estado ng U.S.-- kabilang ang California.
Sa binagong alok nito, tinaasan ng Paramount ang termination fee na babayaran kung hindi maaprubahan ng mga regulator ang kasunduan sa $7 bilyon mula $5.8 bilyon. Pumayag din itong sagutin ang $2.8 bilyong bayarin na dapat sana’y babayaran ng Warner Bros sa Netflix dahil sa pag-atras sa merger agreement.
Maglalaan ang Ellison Trust ng $45.7 bilyon na equity, mas mataas kaysa sa naunang $43.6 bilyon, na suportado ni Larry Ellison, na pumayag ding magbigay ng karagdagang pondo upang matugunan ang solvency requirements ng bangko ng Paramount. – mula sa ulat ng Reuters/FRJ GMA Integrated News

