Anim katao—kabilang ang isang ina at tatlo niyang anak—ang nasawi nang masunog ang nasa 20 bahay sa Tondo, Maynila kaninang madaling araw.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News TV "Quick Response Team" nitong Huwebes, kinilala ang mag-iinang nasawi na sina Odessa Conde, at mga anak niyang sina Yhexel, Yara at Yancy Kieffer.

Kapitbahay naman nila ang dalawa pang nasawi na sina Jean Paul Esguerra at Aquelina Habana.  Bukod sa mga nasawi, may anim na nasugatan sa sunog na naganap sa Yuseco St. dakong 3:00 a.m. at naapula bandang 7:00 a.m.

Ayon kay Fire Inspector John Joseph Jalique, Chief, Manila Fire District Intelligence and Investigation Section, sinabi umano ng padre de familia ng mga nasawi na inaalalayan niya ang kaniyang mag-iina palabas sa sunog nang maganap ang trahediya.

"Allegedly, iyong tatay, paglabas niya, gina-guide na niya pamilya niya. So, probably na-block siguro ng makapal na usok kaya naiwan iyong apat. Inaalam pa natin talaga iyong posibleng dahilan kung bakit naiwan iyong apat na ito," sabi ni Jalique.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad,  sinasabing nagsimula ang apoy sa bahay ng isang pamilya na nasa loob ng eskinita. Kumalat ang apoy hanggang sa masunog ang tinatayang 20 bahay.

Naging pahirapan ang pag-apula sa apoy dahil sa kipot ng kalsada papasok sa mga nasusunog na bahay.

Aalamin naman ng mga awtoridad kung sinadya ang sunog dahil sa impormasyon na mayroon mag-asawang nag-away bago maganap ang insidente.--FRJ, GMA News