Naging malungkot ang "happy hour" sa isang resto bar sa Makati City nang biglang sumalakay ang mga awtoridad matapos silang makatanggap ng impormasyon na ginagamit ang establisimyento sa prostitusyon.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing naganap ang pagsalakay ng Makati Police sa resto-bar sa Filmore Street kaninang hatinggabi at 31 babae na nagtatrabaho rito ang nasagip.

Dinampot naman ang 22 katao, kabilang ang tatlong Indonesian.

Sa isinagawang surveillance, nakumpirma ng pulisya ang nude shows at prostitusyon na ginagawa umano sa resto-bar, na wala rin umanong business permit.

"Two weeks ago, mayroon nang nag-tip sa akin sa mga illegal activities dito sa establisimiyentong ito. Ang pangalan is Filmore Bar and Restaurant o kaya Filmore Ihaw-Ihaw at iba pa," sabi ni Police Colonel Rogelio Simon, hepe ng Makati police.

"Two weeks ago, binigyan sila ng information, but we have to validate it at kailangan magpalakad tayo ng mga operatiba. Kailangang makita natin mismo bago namin isinagawa itong pag-raid dito sa establisimiyento," dagdag pa ni Simon.

Inilahad ng ilang kababaihang nasagip na P600-P1,000 lang ang binabayad sa kanila sa isang karaniwang gabi. Napipilitan daw silang kumapit sa patalim dahil sa hirap ng buhay.

"Gusto namin pumasok dito kasi inaantay namin..., mag-a-abroad kasi 'yung iba dito. Habang 'di pa kami nakakaalis, nagta-try muna dito para sa pamilya namin," sabi ng isang nagtatrabaho sa bar.

Ipasasara umano ang resto bar at mahaharap sa kaso ang may-ari nito.--Jamil Santos/FRJ, GMA News