Patay ang isang senior citizen at labing-apat na bahay naman ang natupok nang sumiklab ang sunog sa Pasay City nitong Sabado ng madaling araw.

Nakilala ang biktima na si Corazon Gamboa na na-trap sa loob ng kanyang bahay, ayon sa ulat ni Vonne Aquino sa Balitanghali Weekend ng GMA News nitong Sabado.

"Naiwan na siya sa taas. Hindi na nakababa dahil ang sunog po ay nagsimula sa pangalawang palapag. Nasa rooftop po siya sa 4th floor. Nahirapan na po 'yung matanda bumaba. Naiwan na rin ng mga kamag-anak," ani Pasay City fire marshal Fire Superintendent Edgar Tanawan.

Natutulog noon ang mga residente ng sumiklab ang nasabing sunog sa Park Avenue bago mag-ala-una ng madaling araw.

Nilamon ng apoy ang 14 na bahay na gawa sa light at semi-light concrete materials.

Kanya-kanyang salba ng mga gamit ang mga apektadong residente.

Umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago ito tuluyang naapula mag-a-alas-kuwatro ng madaling araw.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection, nagsimula ang sunog sa bahay ni Bernadette Jimeno.

"Mayroon daw pong pumutok sa isang kwarto. 'Yun po ang iimbestigahan natin," ani Tanawan.

Ayon sa BFP, aabot sa P200,000 ang halaga ng pinsalang dulot ng sunog.

Higit kumulang 20 pamilya ang nawalan ng tirahan. —KG, GMA News