Pumanaw ang isang Chinese national na minomonitor dahil sa posibilidad ng novel coronavirus infection sa San Lazaro Hospital nitong Miyerkules. Ang naturang pasyente, napag-alamang positibo sa HIV.
Sa pulong balitaan kasama ang mga opisyal ng Department of Health official, sinabi ni Dr. Edmundo Lopez, director ng San Lazaro Hospital, na hindi pa batid kung may kaugnayan sa nCoV ang pagpanaw ng 29-anyos na lalaking pasyente.
"Around 7:00 a.m. we have a person under investigation who expired," sabi ni Lopez.
Pneumonia umano ang ikinamatay ng pasyente , na dinala sa ospital nitong Lunes lang.
"The patient was seen with varying symptoms upon admission. Mayroon siyang mga cervical lesions, mga kulani, mayroon siyang lung findings na rin, basically payat ang pasiyente, then mayroon siyang anal wart," dagdag niya.
Ayon pa kay Lopez, nagpositibo rin sa HIV ang pasyente.
Galing umano sa lalawigan ng Yunnan sa China ang pasyente.
Hinihintay pa ang resulta sa isinagawang pagsusuri sa specimen na kinuha sa pasyente.
Mayroon pang 23 katao ang sinusuri kaugnay sa posibilidad na taglay nila ang virus na nagmula sa China.
Apat naman ang pinayagan nang makalabas ng ospital pero susubaybayan pa rin ng mga tauhan ng DOH ang lagay ng kanilang kalusugan.—FRJ, GMA News
