Labintatlong babaeng dayuhan ang nasagip matapos salakayin ng mga awtoridad ang isang hotel sa Makati City na ginagawa umanong prostitution den.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing sinalakay ng pulisya ang Golden Dragon Hotel sa Evangelista Street sa Bangkal sa nasabing lungsod, sa tip na rin ng Chinese asset.
Ang mga nasagip na babae ay kinabibilangan ng dalawang Russian, dalawang Vietnamese at siyam na Chinese.
"Ang front nila ay isang low cost na hotel. This is three or four storeys at nakita na rin natin 'yung mga kuwarto na nag-o-operate lang na parang hotel. Pero bawat kuwarto may mga babae lahat na naghihintay," sabi ni sabi ni Police Colonel Rogelio Simon, Makati PNP Chief.
Nakuha rin ng pulisya sa lugar ang sari-saring condom at sex toys.
Ayon sa ulat, nahirapan ang mga awtoridad na i-operate ang establisyimento dahil eksklusibo lang ito para sa mga Chinese, kaya dinaan na lang nila ito sa diskarte.
"Meron kaming ginamit na asset, nakapasok nga siya, nakapagbayad siya ng P22,000 at itinuro niya rin kung kanino niya ibinigay 'yung pera kanina. Binigyan na siya ng kuwarto, binigyan na siya ng babae. At nang magbigay na siya ng go signal sa amin, pumasok na 'yung ating mga raiding team," sabi pa ni Simon.
May 15 kuwarto sa bawat palapag ng hotel. Nadatnan ng pulis ang limang Chinese na kliyente.
Para makakuha ng customer, merong mga lighter ang kliyente na pangkaraniwan sa unang tingin pero may QR code na kapag ini-scan, makikita sa link sa website ang mga detalye ng kanilang kalakaran.
Nakikita ng mga kliyente ang mga larawan ng mga babae online, kasama ang presyo at serbisyong inaalok nila.
Wala itong pinag-iba sa naging pagdinig ng Senado tungkol sa umano'y prostitusyon sa POGO industry, kung saan lumabas na parang pagkaing ino-order ng mga nagtatrabaho sa POGO ang mga babae.
Pinakumpiska ng mga awtoridad ang business permit at iba pang dokumento ng Golden Dragon na pinapatakbo umano ng Chinese.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang pamunuan ng hotel.--Jamil Santos/FRJ, GMA News
