Isang lalaki na nagbibisikleta ang nasawi matapos siyang pagbabaril ng mga salaring nakasakay sa motorsiklo sa Sampaloc, Maynila nitong Huwebes ng gabi.

Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Biyernes, kinilala ng pulisya ang biktima na si Ireneo Ramos.

Sa kuha ng CCTV sa Firmeza St. sa Sampaloc, makikita si Ramos na nagbibisikleta. Nang mag-u-turn siya,  nakasalubong niya ang apat na motorsiklo sakay ang walong salarin at doon na siya pinagbabaril.

Hindi nakuhanan ang aktwal na pamamaril sa biktima pero makikitang bumulagta si Ramos sa kalsada hanggang sa lagpasan na siya ng mga salarin.

Dalawang basyo ng bala ang natagpuan sa crime scene.

Hinala ng mga awtoridad, maaaring ang pagkakasangkot umano ni Ramos sa kalakalan ng ilegal na droga ang motibo sa pamamaril.

"Maaaring sa mga nakaraan niyang transaksyon meron sigurong hindi tumupad sa napag-usapan or nagka-onsehan, binalikan siya ng grupong 'yon," ayon kay Police Captain Alrey Bundalian, duty officer, Sampaloc police station.-- FRJ, GMA News