Nakaposas at nakapiring ng panyo ang isang lalaki nang pagbabarilin sa Cubao, Quezon City, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles.
Sa kuha ng CCTV, kita ang isang SUV na kumanan mula Liberty Avenue papuntang 7th Avenue sa Cubao, Quezon City bandang 2 a.m. Bumaba ang driver ng SUV at ilang minuto na magmamasid sa lugar na tila kumukuha ng tiyempo.
Maya-maya pa, dalawang lalaki pa ang bumaba sa SUV. Ang isa sa mga ito, biglang pinagbabaril sa gilid ng kalsada.
Tumakas ang mga suspect pero napilitang iatras ang SUV pabalik dahil sarado ang kalsada.
Tadtad ng tama ng bala sa katawan ang biktima na nakapiring ang mata at nakaposas.
Hindi raw ng residente ng barangay ang biktima.
May nakuhang bag sa biktima na naglalaman ng mga personal na gamit.
Kahit nakunan ng CCTV, hindi kita ang plaka ng SUV.
Iniimbestigahan pa ng Quezon City Police District ang krimen. —KBK, GMA News
