Nadagdagan pa ng 16 ang positibong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Pilipinas kaya umakyat na sa 49 ang kabuuang kaso sa bansa ng naturang virus, ayon sa Department of Health (DOH).
Sa press briefing nitong Miyerkules, sinabi ni Health Assistant Secretary Maria Rosario Vergeire, na hinahanap na ang mga taong nakasalamuha ng mga kompirmadong kaso ng COVID-19.
Ayon kay Vergeire, walo sa 49 na kaso, kabilang ang dalawang nanggaling sa Diamond Princess cruise ship, ay nasa "stable condition" sa iba't ibang ospital na pinagdalhan sa kanila.
Sinabi rin ng opisyal na pinauwi ang 442 sa 445 repatriates mula sa Diamond Princess cruise ship matapos nilang makompleto ang 14-day quarantine period sa Tarlac.
Samantala, mayroon pa umanong 31 pasyente na hinihinalang infected ng virus ang hinihintay ang resulta ng pagsusuri habang nakaratay sila sa ospital.
Nagsimulang sumipa ang bilang ng mga infected ng virus sa Pilipinas nitong Lunes nang mula sa 10 ay dumoble na ito sa 20 sa loob lang ng magdamag.
Dahil dito, nagpasya si Pangulong Rodrigo Duterte na kanselahin ang klase sa mga paaralan hanggang sa Sabado (Marso 14) upang pag-iingat sa virus. --FRJ, GMA News