Nagbabala ang hepe ng National Capitol Regional Police Office (NCRPO) na aarestuhan ang mga hindi susunod at manggugulo sa ipatutupad na community quarantine sa Metro Manila na iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte para pigilin ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

“Arestuhin kung sinong hindi sumunod sa guidelines... Hindi namin palalampasin 'yon. Mag-file kami ng charge,” sabi ni NCRPO Director Police Major General Debold Sinas sa pulong balitaan nitong Biyernes.

Pero nilinaw ni Sinas na ang mga tatanging aarestuhin lamang ay ang mga “unruly” na lalabag sa kautusan.

Sinabi ni Sinas na natukoy na nila ang mga lugar kung saan ilalagay ang mga checkpoint para sa ipatutupad na community quarantine.

Maglalagay umano ng mga entry at exits points kung saan babantayan ng mga awtoridad ang mga tao at sasakyan na papasok at lalabas ng Metro Manila na magsisimula sa Linggo, Marso 15, 2020.—FRJ, GMA News