Ipinaliwanag ni Interior Secretary Eduardo Año kung bakit pinayagan nilang gamitin ng Lungsod ng Maynila ang mga e-tricycles, pero hindi ang mga regular na tricyle sa Pasig City habang umiiral ang enhanced community quarantine sa Luzon.
Sa pulong balitaan nitong Biyernes, sinabi ni Año na ang mga e-tricycle sa Maynila ay gagamitin lamang ng lungsod para ibiyahe ang mga frontliner at health workers sa mga ospital, at hindi para ipasada na tulad umano ng plano sa Pasig.
"The difference doon kay Mayor ng Manila, 'yung e-trikes, e-vehicles ay hindi pumapasada... ito ay kinomisyon ng Manila on dispatch system for the purpose of bringing health workers sa hospital. Hindi sila pumapasada, they are on dispatch system, hindi 'yung pumipick-up ka ng pasahero," paliwanag ng kalihim.
Una rito, sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno na inarkila nila ang nasa 189 electric tricycle para maghatid sa healthcare workers sa mga pagamutan sa Lungsod dahil walang pampublikong transportasyon na pinapayagang bumiyahe habang umiiral ang community quarantine.
Pinalawig ang quarantine sa buong Luzon na dating Metro Manila lang para mapigilan ang pagkalat pa ng virus.
Samantala, hiniling naman ni Pasig City Mayor Vico Sotto sa pamahalaan na payagan ang mga tricycle na bumiyahe rin para masakyan ng mga frontliner, health workers at mga maysakit.
Maging si Senador Francis Tolentino ay nanawagan sa DILG na payagan ang limitadong pagbiyahe ng mga tricycle.
Pero hindi ito inaprubahan ng Department of the Interior and Local Government dahil salungat daw ito sa layunin ng mandatory quarantine.
May opisyal din na pumuna na hindi umano maipatutupad ang "social distance" o pagkakalayo-layo ng mga sasakay sa tricycle kahit hindi malinaw kung lilimitahan lang ni Sotto sa isang pasahero ang puwedeng isakay sa tricyle.
Sa huling panayam kay Sotto, sinabi ng alkalde na susunod sila sa anumang direktiba ng pamahalaan.
“Kami ho dito sa Pasig, magko-comply kami sa kahit anong direktiba ng ating nasyonal na pamahalaan,” saad ni Sotto.
“Kaya lang po ako nagsalita kahapon para lang po marinig din nila ‘yong pananaw namin, ‘yong experience namin sa ground pero at the end of the day, we need to have one policy sa NCR, sa buong Luzon," dagdag niya.—FRJ, GMA News
