Nilinaw ng buntis na misis ni Senador Aquilino Pimentel III na si Kathryna na hindi pumasok sa delivery room ng isang ospital sa Makati ang kaniyang mister, na lumitaw na positibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ginawa ni Kathryna ang paglilinaw dahil sa mga kumakalat na impormasyon sa social media tungkol sa insidenteng pagpunta nilang mag-asawa sa ospital kahit may hinihintay na COVID-19 test result ang senador.

"I feel really sad they are insisting I was in the delivery room and Senator Koko... Never reached inside the delivery room. I took the stress test for the baby inside the examination room," paliwanag ni Kathryna sa ipinadala niyang mensahe sa mga mamamahayag.

Iginiit niya na malayo ang examination room sa delivery room.

"The stress test happened around 8:30 p.m. last night in the examination room. Ako lang po mag-isa diyan. Kasi sabi din nila bawal ang husband or bantay," sabi pa ni Kathryna.

Nitong Miyerkules, inihayag ni Pimentel na nagpositibo siya sa COVID-19.

"I was informed late last night March 24, 2020 that I have tested positive for the COVID-19 virus. The swab was taken last Friday, March 20, 2020," saad sa pahayag ng senador.

"Since the last day of session March 11, 2020 I had already tried my best to limit my movement," patuloy niya.

Pero inamin niya na sinamahan niya ang kaniyang misis sa ospital nitong Martes pero kaagad din umanong umalis nang malaman na ang resulta ng COVID-19 test sa kaniya.

"Yes (I was with Kath yesterday) as she  was scheduled to give birth this morning. I received the call from RITM when I was already in the hospital last night hence I left immediately," sabi ni Pimentel.

Sa hiwalay na mensahe, pinasinungalingan ni Pimentel ang mga haka-haka na nagpatulong siya kay Health Secretary Francisco Duque III na makakuha ng kuwarto sa ospital.

"Secretary Duque has and had nothing to do with our getting a room and any room at the hospital," giit ni Pimentel.

"I talked to Secretary Duque this morning March 25 2020 and he just asked me about my situation. By that time, I have already checked my wife Kath in the hospital since yesterday 6-7pm, March 24 2020," sabi pa ng senador, na nilinaw din na ang kaniyang kapatid ang nagsabi kay Duque ng kaniyang kalagayan.--Dona Magsino, FRJ, GMA News