Nanawagan ang ina ng pinaslang na pro-BBM vlogger na si Alicia “Mima Alicia” Lipata, na madakip na ang taong nasa likod ng pagpatay sa kaniyang anak.

“Ang gusto ko po ‘yung nag-utos na pumatay sa anak ko, gusto kong mahuli kaagad ’yon. Maaksyunan kaagad, mahuli,” sabi ni Sandra Lipata sa ulat ng GMA News “24 Oras” nitong Biyernes.

“Kasi walang kalaban-laban yung anak ko, pinagbababaril sa ulo pa naman ‘yung tama pati sa dibdib. Hindi po siya naawa sa anak ko,” dagdag niya.

2 suspek arestado

Kamakailan lang, nadakip ng mga awtoridad ang dalawang suspek sa Mabalacat, Pampanga na sangkot umano sa krimen.

Ang mga naaresto ay sinasabing bumaril mismo kay Lipata na residente sa Caloocan City, habang ang rider naman ikalawang suspek na mula sa Cavite.

Kasama umano sa nakuha sa mga suspek ang baril na hinihinalang ginamit sa pagpatay sa biktima.

Patuloy ang imbestigasyon sa krimen na ikinasugat din ng live in partner ni Lipata. Kabilang sa tinitingnan motibo ay ang pagiging vlogger ng biktima, at personal nitong buhay.

Hindi umano naging maayos ang pakikipaghiwalay ni Lipata sa dati niyang karelasyon na nauwi pa sa demandahan.

Inihayag din ng pulisya na dati nang may natatanggap na banta sa buhay ang biktima. -- Lyjah Tiffany Bonzo/FRJ GMA News