Umabot na sa 5,660 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa Pilipinas matapos na madagdagan pa ng 207. Ang magandang balita, patuloy pa rin na dumadami ang mga gumagaling kaysa sa mga nasasawi.
Sa ulat ng Department of Health nitong Huwebes, sinabing nakapagtala ng record-high na 82 recoveries sa mga pasyente para sa kabuuang 435.
Samantalang 13 naman ang nadagdag sa mga nasawi, para sa kabuuang bilang na 362.
Sa kabila ng pagdami ng mga gumagaling, inihayag ng Malacañang na hindi pa rin nakakamit ang "flattening the curve" sa mga kaso ng COVID-19 kahit dalawang linggo na lang ang itatagal ng Luzon-wide quarantine. —FRJ, GMA News
