Kulungan ang bagsak ng isang lalaki dahil sa pememeke umano ng pirma ni Pangulong Rodrigo Duterte at pagbebenta ng quarantine pass sa Laguna.

Sinabi ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica na ibinibenta ng suspek na si Marvin Cuna ang quarantine pass sa halagang P1,500 hanggang P3,000, ayon sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado.

Pineke din ni Cuna ang pirma ni Pangulong Duterte sa mga dala niyang dokumento nang magpakilala siyang miyembro ng Inter-Agency Task Force.

Pero itinanggi ng Office of the President sa kanilang official statement na konektado sa kanila si Cuna.

Nasa kustodiya na ng NBI Laguna si Cuna, na mahaharap sa reklamong paglabag sa Bayanihan To Heal As One Act of 2020 at falsification of documents.

Hindi nagbigay ng pahayag ang suspek.

Samantala sa Quezon City, tinanggihan umano ng Barangay Old Balara ang isang suspected COVID-19 case na ihatid sa ospital dahil wala raw silang N95 mask.

Humingi ng tulong sa barangay ang kapitbahay ng pinaghihinalaang positibo sa virus sa pamamagitan ng text para ipasundo sana sa ambulansya ang pasyente dahil nahihirapan umano itong huminga.

Pero sinabi ng barangay na wala silang N95 mask, at humiling na sa Department of Health na lang tumawag. Sa huli, isinakay din ang pasyente ng patrol ng barangay papunta ng ospital.

Nagsiksikan naman ang mahigit 200 jeepney driver dahil sa pamamahagi ng tigtatlong kilo ng bigas at face mask sa San Jose, Del Monte, Bulacan.

Ipinaliwanag naman ng Sapang Palay Transport Service and Multi-purpose Cooperative na mahigpit nilang ibinilin ang social distancing.

Sa Batangas, pansamantalang isinara ang Lipa City District Hospital matapos ma-expose ang ilang health worker sa isang empleyadong nagpositibo sa COVID-19.

Tatagal ang pagsasara hanggang Abril 23 para ma-disinfect ang ospital, at sasailalim din sa home quarantine ang mga tauhan nilang na-expose.

Magsasagawa rin ng decontamination sa Lipa Medix Medical Center bilang pag-iingat, pero mananatiling bukas ang laboratory, X-ray, CT-scan at MRI sections. — Jamil Santos/DVM, GMA News