Patay ang isang lalaki na nakaupo lang sa kaniyang motorsiklo sa gilid ng kalsada matapos siyang barilin sa ulo ng riding-in-tandem sa Caloocan City.

Sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, kinilala ang biktima na si Andrew Joaquin Cueto, 30-anyos.

Nangyari ang krimen noong nakaraang linggo sa Barangay 117 sa Camarin. Kaagad na tumakas ang mga salarin tangay ang motorsiklo ng biktima.

"May bali-balita kami, hindi pa confirmed ito, taga-rito sa aming barangay yata 'yung binaril," sabi ni Ric Domingo, Secretary ng Brgy. 117, Camarin, Caloocan.

"Baka kinuha 'yung motor niya dahil sa hirap na ng buhay ngayon. Or drug-related transaction ito," sabi pa ni Domingo.

Ipinagtaka ng mga awtoridad kung bakit nasa labas ng bahay ang biktima gayong ipinatutupad ang enhanced community quarantine sa Luzon.

May dalawang residente pang nakitang tumakbo sa kalsada nang mangyari ang pamamaril.

"Nakakagulat eh kasi may dalawang tao na nakatambay sa harap ng bahay at 'yung isang taong binaril ay nakaupo sa kaniyang motor, hindi ko alam kung anong transkasyon doon," sabi ni Domingo.

Patuloy ang imbestigasyon sa krimen at pinaghahanap na rin ang mga salarin.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News