Asahan ang mas mahabang pila sa pagsakay sa Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT) systems sa sandaling alisin na ang enhanced community quarantine sa Metro Manila dahil lilimitahan lang ang mga pasahero sa bawat bagon, ayon sa isang opisyal ng Department of Transportation.
"Ang MRT at LRT, ang maximum number of passengers per train set po is 160. That's about 20% po of total capacity," pahayag ni DOTr Undersecretary Artemio Tuazon Jr. sa panayam sa "Unang Hirit" ng GMA Network nitong Biyernes.
Bago mangyari ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic, tinatayang nasa 500,00 ang sumasakay sa LRT1 sa bawat araw; 200,000 naman sa LRT2; habang 300,000 sa MRT.
Dahil sa mataas na bilang ng mga kaso ng COVID-19, pinalawig hanggang sa Mayo 15 ang enhanced community quarantine sa Metro Manila.
Papayagan naman ang mga bus at modernized jeepneys na bumiyahe sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine simula sa Mayo 1.
"Kapag hindi pa rin po kakayanin 'yung numero at dami ng ating mananakay sa dalawang ito, papayagan na rin pong mag-operate 'yung mga ordinary jeeps natin, after that 'yung mga TNVS at mga taxi. Sa mga areas po na papayagan ng LGU, papayagan din po ang mga tricycle," ayon kay Tuazon.
"Pero lahat po ito ay dapat sumunod sa social distancing," dagdag niya.
Hanggang 50 porsiyentong kapasidad lang umano papayagan sa operasyon ng mga naturang transportasyon. — FRJ, GMA News
