Isang tricycle driver sa Pasay City ang nawalan ng P250 matapos mabiktima ng isang babaeng pasahero na budol-budol pala, ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita nitong Lunes.

Sa kuha ng CCTV, makikitang may inabot ang tricycle driver na si Jimuel Bongabong sa kaniyang pasahero sa kanto ng Gamban at Cabrera Street sa Barangay 136. Nanghiram daw ng P100 ang pasahero pambili ng pagkain.

Bukod dito, nanghiram din daw ng P150 ang babae, na nagsabing hinahanap niya ang kaniyang kapatid na nakatira sa nasabing barangay.

Abot isang oras daw nagpaikot-ikot ang dalawa sa paghahanap hanggang sa magpaalam na ang pasahero at sinabihan si Jimuel na hintayin na lang siya sa may labasan.

Ani Jimuel, pinangakuan daw siya ng P1,000 ng pasahero pag nagkita sila sa labasan.

Isang oras daw naghintay si Jimuel sa pasahero pero hindi na dumating ang babae.

Ayon sa biktima, pang-boundary at pangkain niya sana ang perang ipinahiram niya sa suspek. –KBK, GMA News