Isang delivery rider na magsisimula pa lang sa araw ng kaniyang hanapbuhay ang nasawi matapos siyang mabangga ng dalawang motorsiklo sa Cebu City.

Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente dalong 3:00 am noong Lunes, Marso 23, 2026 sa panulukan ng Gorordo Avenue at J. Solon Drive sa Barangay Lahug.

Makikita sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera ang isang motorsiklong nag-counterflow at bumangga sa motorsiklong minamaneho ng delivery rider.

Dahil sa lakas ng salpukan, tumilapon ang delivery rider at bumagsak sa kalsada, at saka nabangga ng isa pang motorsiklo.

Tumakas ang 16-anyos na rider ng ikalawang motorsiklo ngunit sumuko rin kalaunan sa mga awtoridad.

Ang rider ng unang motorsiklong nakabangga sa biktima, dinala sa ospital at nagnegatibo sa isinagawang liquor test.

Nakalabas na siya sa ospital at nahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide.

Nilinaw naman ng Cebu City Police Office na taliwas sa mga unang ulat, walang karerang naganap sa lugar at mabilis lamang ang pagpapatakbo ng mga nakabangga. – FRJ GMA Integrated News