Kita sa mga dashcam at CCTV footage ang insidente na nagdulot ng traffic sa lugar.
Duguan ang biktima nang madatnan ng Antipolo City Fire and Rescue na unang rumesponde sa aksidente.
“Wala na po siyang pulso, ma’am, di na po siya gumagalaw, di na po siya nagrerespond. Purong ulo po talaga 'yung napinsala po talaga, dun po 'yung grabe 'yung dugo. 'Yung helmet po wasak eh tapos 'yung motor niya wasak din po 'yung harapan,” ayon kay Mark Bela, ambulance crew ng Brgy. Sta. Cruz.
Sabi pa ni Bale, base raw sa pahayag ng kasamang rider ng biktima grabe ang tulin nito.
"Magkasunuran po sila ta's bale pagkakurbada, nawalan na po ng balanse, bumangga na po sa pickup, nakita po mismo ng kasama po na nakamotor din po,” dagdag niya.
Sa lakas ng impact, nayupi ang unahang bahagi ng pick up, nasira ang side mirror at nagkabasag basag ang windshield nito.
“Nagkasalubungan po sila sa pa-curve part ng kalsada and then nag overshoot po itong driver motorsiklo, nabangga niya po 'yung sasakyan,” pahayag naman ni PLt. Ken Ladyong Ada-Ol, hepe ng Community Affairs Division at deputy investigation.
Pinagtulungang buhatin ng rescuers ang biktima para itakbo sa ospital subalit doon na siya opisyal na idineklarang patay.
Ayon sa Antipolo Police, dayo sa lugar ang biktima na taga Pila, Laguna.
Sinubukan ng GMA Integrated News na kunan ng pahayag ang mga kaanak ng nasawing biktima pero tumanggi sila. Sinusubukan ring kunan ng pahayag ang driver ng nabanggang sasakyan.
Nagkaareglo raw ang dalawang panig, ayon sa pulisya.
Hindi na rin daw magsasampa ng reklamo ang mga kaanak ng rider laban sa pick up driver.
“Eh nireview nila yung CCTV, aminado naman po sila na 'yung motor talaga ang may kasalanan. nagkasunduan sila na 'yung driver ng sasakyan is sasagutin niya po 'yung gastos sa pagpapalibing, sa mga na-damage po,” sabi ni Ada-Ol.
Pinag-iingat ng mga awtoridad ang mga motorista, partikular ang mga dayo sa lugar sa pagtahak ng bahaging ng Sumulong Highway na madalas daw pangyarihan ng mga aksidente. —AOL GMA Integrated News
