Dismayado si Senador Sonny Angara at iba pa niyang kasamahan sa kabiguan umano ng Department of Health (DOH) na makabuo ng implementing rules and regulations (IRR) para sa pagkakaloob ng kompensasyon sa mga health workers na nasawi o matinding tinamaan ng COVID-19 bilang mga frontliner.

Ang naturang kompensasyon ay nakasaad sa Republic Act 11469 o Bayanihan to Heal as One Act. Pero ilang buwan matapos itong maisabatas noong Marso, wala umanong medical frontliners na nasawi o matinding tinamaan ng virus ang nabigyan ng kompensasyon.

Ayon kay Angara, chairman ng Senate Finance Committee, nalaman nila ito nang talakayin sa plenaryo ng Senado ang Senate Bill 1564 o ang panukalang Bayanihan To Recover as One Act.

"I'm very disappointed to hear the response from the DOH. The Senate labored, burned the midnight oil to pass Bayanihan One. It's quite upsetting to find out that so many months have gone without the DOH crafting the IRR here," sabi ni Angara, na isang COVID-19 survivor at personal na nakita ang sakripisyo ng mga health worker.

"So many health workers have suffered, whether they have died or have been severely afflicted with the COVID virus. Again, it's very upsetting," patuloy niya.

Alinsunod sa Section 4(f) ng RA 11469, ang mga public and private health workers na nasawi sa pakikipaglaban sa COVID-19 pandemic ay makatatanggap ng tig-P1 milyon na kompensasyon.

Ang mga medical frontliner naman na nalagay sa panganib ang buhay dahil sa pagtugon sa kanilang tungkulin ay makatatanggap ng tig-P100,000.

"It's really criminal, this neglect to pass this (IRR); to delay these types of benefits. We keep praising them as our heroes but it's mere lip service if we don't give them anything material," sabi ni Angara.

Naungkat ang usapin ng kompensasyon sa pagdinig ng Senate Bill 1564, nang magtanong si Sen. Richard Gordon, dahil siya ang nagmungkahi na ilagay ang naturang probisyon sa RA 11469.

Ayon kay Gordon, 32 na ang health workers ang nasawi "in the line of duty" at may dalawa pang malubha ang kalagayan dahil sa COVID-19.

"That is a serious neglect. Sometimes, may kasabihan na nauuna ang salita sa gawa. We should call the attention of whoever it is that will provide this because 32 have died. About two are severely sick that should be given some support. Those who are severely ill must be supported," ayon kay Gordon.

Dismayado rin sina Sens. Francis Pangilinan at Ping Lacson sa kawalan ng IRR, at iginiit nila na dapat matuloy pa rin ang pagkakaloob ng kompensasyon sa mga karapat-dapat na health workers.

Iminungkahi ni Angara na gumawa sila ng sulat na ipadadala sa DOH para kaagad na tugunan ang tungkol sa IRR para maipatupad ang naturang probisyon sa RA 11469.--FRJ, GMA News