Inihayag ng isang grupo ng public physicians ang kahalagahan ng physical distancing ngayong panahon pandemya para hindi mahawa ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). Mas malayo sa isa't isa, mas mabuti para sa kaligtasan kontra sa virus.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabi ng Philippine Society of Public Health Physicians (PSPHP), na ang isang metro na physical distancing ay katumbas ng 82 porsiyento ng tiyansa na hindi mahawahan ng virus.

Samantalang kung dalawang metro naman ang layo sa isa't isa, 91 porsiyento na ang  pag-asang maging ligtas sa hawahan. Nasa 96 porsiyente naman ang tiyansang maging ligtas sa COVID-19 kapag tatlong metro ang layo.

Makatutulong din para mapataas pa ang tiyansang hindi mahawahan ng virus kung magsusuot ng face mask at face shield, ayon sa PSPHP.

Ang N-95 mask umano ay makapagbibigay ng 96 porsiyento ng protection level sa isang tao, habang mas mababa naman ang protection level sa 67 porsiyento sa mga face mask na gawa sa tela o hindi N-95.

Makadadagdag naman ng proteksyon (78 porsiyento) na panlaban sa virus ang pagsusuot ng eye shield o eye protection. Mas ligtas din daw sa virus kung nasa open area ang tao.

"Kung lahat 'yan combined... 99.9 percent reduction in transmission. Kung [mask] lang, 67, 'wag malungkot kasi nag-mask ka, may shield, 93 percent [protection], pa'no pa kung nagdistansya ka, 99 percent [reduction], " paliwanag ni Dr. Romelei Alfonso ng PSPHP.

Nauna nang nagpaalala ang Department of Health (DOH) at maging ang mga lokal na pamahalaan sa kahalagahan ng physical distancing at pagsusuot ng face mask para mapigilan ang pagkalat ng virus.--FRJ, GMA News