Isang dating laundry shop sa Parañaque ang nasunog matapos umanong pagnakawan, ayon sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Lunes.

Bukod sa dating laundry shop na ngayon ay isa nang bodega, ilang bahay din ang nadamay sa sunog.

Nang dumating ang may-ari ng bodega sa lugar, napansin agad niyang nawawala na ang appliances niya sa bodega gaya ng refrigerator at gas range oven.

"Ang reason dito, obvious na obvious, wala yung refrigirator. Eh bago masunog ang refrigerator na dalawahan, makikita mo naman nakatayo pa," ani Maria Lourdes Villaroman, may-ari ng nasunog na bodega.

"Ninakaw muna yung gamit bago sunugin," dagdag pa niya.

Kasama ang nasabing anggulo sa mga iniimbestigahan ng mga bumbero.

Bagama't wala namang naiulat na nasaktan, tinatayang nasa P300,000 ang halaga ng pinsala sa nasabing sunog. —KBK, GMA News