Sampu katao sa Mandaluyong City ang arestado sa isang tupada na bawal sa ilalim ng modified enhanced community quarantine, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Lunes.
Nakumpiska sa operasyon ang taya na mahigit P6,000.
"Dapat iwasan yung pagsusugal kasi magkakaroon po tayo ng mass gathering," ani Police Colonel Hector Grijalde Jr., hepe ng Mandaluyong Police.
Samantala, arestado rin sa Mandaluyong City ang isang lalaking nagngangalang Ben Torres na isa umanong suspek sa large-scale estafa.
Bumili raw si Torres ng 13,350 na n95 face masks pero tumalbog ang tsekeng ipinambayad niya na nagkakahalaga ng mahigit P700,000.
Nadispatsa na raw ni Torres ang mga mask kaya hindi na ito mabawi.
Depensa ng suspek, tagahatid lang siya ng tseke at iba ang ka-transaksiyon ng biktima. —KBK, GMA News
