Sumuko kay San Juan City Mayor Francis Zamora ang lalaking sumaksak at nakapatay sa isang 17-anyos na lalaki na inakala raw ng suspek na bagong nobyo ng kaniyang dating nobya.

Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, kinilala ang suspek na si Marvin Ferreras, 20-anyos.

Sinaksak ni Ferreras noong Nobyembre 2 sa Barangay West Crame si John Clarence Buena, pumanaw sa ospital pagkaraan ng dalawang araw.

"Noong madaling-araw ng November 2, bandang 12:30 a.m. ay nagkaroon ng pagtatagpo si Marvin at 'yung biktima na si John Buena at 'yung ex-girlfriend ni Marvin na ang pangalan ay Gillian at sa pagtatagpong 'yun, base ito sa police report... nagkaroon ng selosan at nasaksak ni Marvin si John Buena ng dalawang beses at pagkaraan ng dalawang araw ay namatay si John Buena," ayon sa Facebook post ni Zamora.

Ang pamilya umano ni Ferreras ang nakipag-ugnay sa lokal na pamahalaan para sa ligtas na pagsuko ng suspek.

Nangangamba raw kasi ang suspek sa kaniyang kaligtasan.

Iginiit din ni Ferreras na ipinagtanggol lang niya ang kaniyang sarili dahil ginulpi siya ng mga kasamahan ng dati niyang kasintahan.

Ayon sa suspek, hindi sa kaniya ang patalim na ginamit niya sa biktima, at nahulog daw sa isa sa mga nanakit sa kanila ng kaniyang kasama.

Hindi raw niya ginustong saksakin ang biktima at idinepensa lang niya ang kaniyang sarili.

Gayunman, mayroon daw kuha ng cellphone video at testimonya ng ilang saksi na taliwas sa kuwento ng suspek. --FRJ, GMA News