Nagbabala ang Department of Health na kahit nakasuot ng face mask at face shield ang isang tao ay puwede pa ring siyang mahawahan ng COVID-19 kapag nasa matataong lugar.

Ginawa ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang paalala nitong Lunes matapos mag-viral ang larawan ng mga taong nagsisiksikan sa Divisoria, Manila at Baclaran in Pasay City para mamili.

“Nakita po namin iyong mga litrato noong weekend, kung gaano kasikip. Gusto nating ipaalala sa ating mga kabababayan, nariyan pa rin ang [COVID-19] virus. Ang virus, naihahawa kapag naroon ka sa lugar na talagang siksikan,” pahayag ni Vergeire sa online briefing.

“Kahit po kayo ay naka-mask at naka-face shield pero kayo naman ay pumupunta sa matataong lugar na halos dikit-dikit na po kayo, maaari pa rin kayong mahawa,” babala niya.

Paliwanag pa ni Vergeire, ipinagbabawal ng Inter Agency Task Force, ang policy-making body ng pamahalaan sa COVID-19 response, na hindi pinapayagan ang "mass gathering" dahil mataas ang peligro ng hawahan kapag maraming taon sa isang lugar.

“The risk is there. Kaya iwasan po ang pagpunta sa matataong lugar kung maaari po,” sabi ng opisyal.

“Ang risk ng pagkahawa hawa ay napakalaki kapag tayo ay nakakapunta sa mga lugar na maraming tao katulad noong nangyari noong weekend,” patuloy niya.

Sa ngayon, umabot na sa 418,818 ang COVID-19 cases sa Pilipinas, 386,486 ang gumaling, 8,123 ang namatay, at 24,209 ang aktibong kaso. — FRJ, GMA News