Nagbunga ang pagsisikap ng isang anak ng construction workers na matapos mag-top sa 2011 Nursing Licensure Exam, nanguna naman sa Physician Licensure Exam ngayong 2020. Ang girlfriend niya, pumasa rin bilang duktor.

Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing dating mananahi na naging construction worker ang ama ni Jomel Lapides.

At habang nag-aaral ng medisina sa University of the Philippines-Manila, kinailangan ni Lapides na ipagpatuloy ang kaniyang trabaho bilang nurse dahil hirap sila sa pinansiyal.

Nang makapagtapos, sabay sila ng kaniyang kasintahan na si Baby Lyn Ann Tanalgo na kumuha ng Physician Licensure Exam nitong Nobyembre para maging ganap na duktor.

At kahit na siya ang nanguna sa Nursing Licensure Exam noong 2011, hindi raw inasahan ni Lapides na siya pa rin ang mangunguna sa Physician Licensure Exam.

“Sobrang unexpected and surprised at talagang thankful lang talaga kay Lord. I prayed at least makapasok ako sa Top 10. Si Lord po iba yung binigay lagpas-lagpas,” mapagpakumbabang kuwento ni Lapides.

Sabi naman ni Tanalgo, kahit alam na ng kaniyang nobyo na siya (Lapides) ang nag-top sa pagsusulit, hindi ito ipinagmalaki at sinabi sa kaniya.

"Just to lessen my anxiety, gusto ko siya yung unang makakita ng results ng exam. Una niya pong sinabi na nakapasok ako tapos narinig ko lang from his brod na kasama niya sa apartment na top one siya," ani Tanalgo.

"Sobrang humble talaga niya na hindi pa galing sa kaniya yung news na nag-top siya ng board," dagdag pa ng dalaga tungkol sa nobyo.

Nag-apply na raw si Lapides para sa residency training sa Philippine General Hospital para mag-specialize sa ophthalmology.

Sa gitna ng nangyaring pagsubok sa kaniyang buhay at sa kanilang propesyon ngayon panahon pandemiya, ipinakita ni Lapides na walang imposible sa taong nagpupursige.

“Talk to the Lord and tiwala lang sa kaniya. Have faith. Siya yung ground and source ng strength,” saad niya.  “And also solicit the help of your family and your friends and get your inspiration from them. Really know yourself and set your goals po.”
Inilabas ang resulta ng 2020 Physician Licensure Examination nitong Huwebes. – FRJ, GMA News