Magkasunod na natagpuan ang dalawang bangkay ng lalaki na ilang metro lang ang layo sa isa't isa sa Makati City. Ang mga biktima, parehong may tama ng bala sa ulo.

Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News TV "QRT" nitong Biyernes, sinabing nakita ang mga biktima sa madilim na bahagi sa panulukan ng Osmena at Dela Rosa.

Ang isang bangkay, may tama ng bala sa sentido, nakagapos at nakasubsob sa lupa.

Walang pagkakakilanlan sa biktima at wala rin daw nakakita sa pangyayari.

Ilang metro lang ang layo sa naturang bangkay, nakita ang isa pang katawan na may tama rin ng bala sa ulo at wala ring pagkakakilanlan.

Hindi nagbigay ng pahayag ang pulisya at iimbestigahan pa kung magkaugnay ang naturang krimen at sino ang mga biktima.--FRJ, GMA News