Anim na toll plaza ng North Luzon Expressway (NLEX) sa Valenzuela ang hindi muna puwedeng maningil ng fee sa mga dadaang sasakyan matapos ituloy ni Mayor Rex Gatchalian ang pagsuspindi sa business permit ng kompanya dahil sa matinding trapik na idinudulot ng pagpapakabit ng RFID sticker at cashless payment system.

Sa ulat ni Saleema Refran sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing ang mga toll plaza na libreng daanan ay:

*Karuhatan-Mindanao Avenue
*Karuhatan-Harbor Link
*Karugatan Harbor Link MacArthur Highway Exit
*Mindanao Avenue Toll Plaza
*Paso de Blas toll Plaza
*Lawang Bato Northbound entry toll booth

Ayon kay Gatchalian, mananatiling nakataas ang mga gate barrier sa nabanggit na toll plaza hanggang umiiral ang suspension order sa business permit ng NLEX.

“We don’t want to cause more anxiety sa ating riding public,” anang alkalde.

“Ang nilalaman lang no’n. Number one, suspended na ‘yung business permit nila. Number two, itataas nila ‘yung mga barrier kasi tuloy ‘yung operations nila,” paliwanag ni Gatchalian.

Sa ulat ni Luisito Santos sa Super Radyo dzBB, sinabing nagtungo si Gatchalian sa Mindanao Avenue Toll Plaza para isilbi ang suspension order matapos mabigo ang pamunuan ng NLEX na resolbahin ang trapik sa mga toll plaza dahil ipinatutupad na cashless payment system.

Binigyan ni Gatchalian nang hanggang 5:00 p.m. nitong Lunes para hanapan ng solusyon ang problemang inirereklamo ng maraming motoristang na nabababad sa trapik.

Una rito, hiniling din ni Gatchalian sa pamunuan ng NLEX na humingi ng paumanhin sa publiko dahil sa mga aberya sa cashless payment system.

Tinanggihan din ng alkalde ang pakiusap ng NLEX na bigyan sila ng 15-araw na palugid para lutasin ang problema.

Simula 5:50 p.m. ngayong Lunes, libreng nakadadaan sa NLEX Mindanao Toll Plaza ang mga sasakyan.

Samantala, sinabi ni NLEX Senior Vice President for Communications Atty. Romulo Quimbo, na nagpadala na sila ng tugon sa lokal na pamahalaan ng Valenzuela.

“Sinabi po namin sa letter na unang una, kinikilala po namin na meron kaming mga technical problems po doon sa pag-implement ng 100% cashless [system]. Pangalawa, humingi po kami ng pag-unawa at paumanhin sa mga taga-Valenzuela,” sabi niya sa dzBB.

“Pangatlo po, naglagay po kami ng mga aksyon, mga hakbang na aming gagawin nang hindi na po maulit itong heavy traffic around the Valenzuela toll plaza,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Quimbo na ang toll fee collection ay nasa hurisdiksiyon ng national government.

“Para sa amin po, ang paniningil po ng toll ay sakop po ‘yan ng national government at ng Department of Transportation at saka ‘yung attached agency na Toll Regulatory Board, so mainam po na idulog doon ‘yung issue nang magkaroon po ng proseso,” paliwanag niya.

Nagsimula nitong December 1 ang cashless system sa NLEX.—FRJ, GMA News