Nasabat ng mga pulis sa Makati City mula sa apat na suspek ang aabot sa mahigit anim na milyong-pisong halaga ng shabu.

Iniulat ni Mai Bermudez sa "Unang Balita" nitong Miyerkules na nahuli ang apat na suspek sa isang buy-bust operasyon sa may Kalayaan Avenue, Barangay West Rembo nitong Martes ng gabi.

Tinatayang aabot sa P6.1M ang halaga ng shabu ang nasabat mula sa mga suspek.

Hinala ng mga pulis,  malaking grupo ang kinabibilangan ng naarestong apat na tao.

Ayon sa mga pulis, bukod sa Makati, nagbabagsak din unao ang grupo ng shabu sa ibang lugar sa Metro Manila.

Aminado ang isang suspek na nagsusuplay sila sa mga tulak ng shabu.

Pahayag naman ng isang suspek, inuutusan lamang sila na mag-deliver ng mga order kapalit ang P5,000.

Hindi na nagbigay ng pahayag ang iba pang mga suspek. —LBG, GMA News