Lumitaw na naaresto noong Enero sa buy-bust operation ang "asset" o impormante ng mga pulis ng Quezon City Police District na kasama nila sa mangyaring engkuwentro sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Commonwealth Avenue, Quezon City, ayon sa National Bureau of Investigation (NBI).

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing aalamin ng NBI kung papaano nakasama sa operasyon ng QCPD ang sinasabing "asset" na si Jonaire Decena.

BASAHIN: Umano'y buy-bust money ng mga pulis, huling nakitang hawak ng taga-PDEA sa CCTV

ADVERTISEMENT

Lumilitaw umano sa pagsisiyasat ng NBI na nadakip si Dacera sa buy-bust operation noong Enero kaya dapat siyang nakadetine.

"We will try also to reach out to some other personalities involved but who are not free at this time to cooperate at this time," ani NBI deputy director Ferdinand Lavin.

Sinasabing si Decena ang taong nakikipag-ugnayan at nakikipagtransaksyon naman sa "asset" ng PDEA na si Untong Matalnas bago maganap ang putukan na nagresulta sa pagkasawi ng lima katao kabilang ang dalawang pulis, isang PDEA agent, at PDEA asset.

Kabilang si Mantalnas sa mga nasawi sa engkuwentro pero iniimbestigahan kung papaano siya napatay dahil may kuha sa CCTV na nakitang kinuha siya ng mga lalaking pinapaniwalaang mga pulis.

BASAHIN: PDEA 'asset' na nakaligtas sa unang bugso ng barilan, nakitang patay kinalaunan

Isinasailalim din umano sa forensic examination ang mga cellular phone ng mga nasangkot sa engkuwentro.

Nauna nang iginiit ng QCPD at PDEA na kapwa lehitimo ang kani-kanilang operasyon. --FRJ, GMA News