Iginiit ng isang drayber na tila may ibang tao na nagpapaandar ng kaniyang kotse na nagdulot ng karambola ng anim na sasakyan kung saan sugatan ang hindi bababa sa 10 indibidwal sa Taft Avenue sa Maynila.

Sa ulat ni Divine Reyes sa Super Radyo DZBB nitong Miyerkoles, sinabi ng nakabanggang si Anthony Santos ng Hagonoy, Bulacan, na hindi umano niya sinasadyang makaaksidente sa may kanto ng Ayala Boulevard.

Ayon kay Santos, pinahihinto siya ng mga awtoridad at gusto naman niyang sumunod, pero hindi niya mapigilan umano ang sasakyan.

Sinabi naman ng isang personnel ng Manila Traffic Bureau na nagtaas ng kamay si Santos bilang senyas na ititigil niya ang sasakyan, pero nagtaka sila kung bakit bigla itong umatras at umabante, at natumbok ang ilang sasakyan.

"Hindi ko po alam. Parang may ibang tao sa loob ng sasakyan na ayaw huminto kahit anong gawin ko," sabi ni Santos.

Itinanggi rin ni Santos na siya ay lasing.

Isasailalim sa medical examination si Santos bago siya dalhin sa Manila Traffic Bureau para sa imbestigasyon, kung saan titingnan ng mga awtoridad kung lasing ang suspek o may sangkot na ilegal na droga.

Sarado sa ngayon sa daloy ng trapiko ang bahagi ng Taft Avenue mula sa U.N. Avenue hanggang sa kanto na Ayala Boulevard.

Labis naman ang pagsisisi at paghingi ng paumanhin ng drayber sa mga nasaktan niya sa aksidente.

"Hindi ko po ginusto 'yon, unang una Kristiyano po ako, Christian po, hindi ko po kayang manakit ng kapwa ko. Hindi ko po ginusto 'yun kaya sorry po sa lahat ng mga nasaktan ko. Hindi ko po ginusto 'yun. Masakit po kasi nakasakit ako nang hindi ko ginusto," saad ni Santos. —LBG, GMA News