Sinabi ni Senador Ping Lacson na may plano ng kapuwa niya senador na si Manny Pacquiao na tumakbong pangulo sa 2022 elections.

Sa isang panayam sa telebisyon, sinabi ni Lacson na minsan na siyang kinausap ni Pacquiao at hiningi ang kaniyang suporta.

Gayunman, ayaw pa raw munang pag-usapan ni Pacquiao sa publiko ang plano nitong pagtakbong pangulo dahil na rin sa usapin ng COVID-19 pandemic, sabi ni Lacson sa ANC.

Patuloy ng senador, dalawa o tatlong beses na siyang kinausap ni Pacquaio at nagtanong kung matutulungan niya ito, partikular sa usapin ng budget.

"I think this was late last year... [he said]  he's open about it. Although ayaw niyang pag-usapan because of COVID and in fairness to him, consistent siya na COVID muna tayo 'wag muna pulitika," ani Lacson.

Nauna nang sinabi ni Pacquiao sa mga pahayag na hindi pa panahon sa ngayon na pag-usapan ang eleksiyon at pulitika dahil sa problema ng pandemic.

Aniya, prayoridad niya sa ngayon ang tumulong.— FRJ, GMA News