Arestado sa entrapment operation ang isang lalaki na nagpapanggap umanong ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) para kuwartahan ang taong may problema sa pasaporte.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikita ang isinagawang operasyon ng mga tunay na tauhan ng NBI-Anti-Fraud para maaresto si Tomy Nikko Ong.

Dinakip si Ong matapos na tanggapin niya ang markadong pera na nagkakahalaga ng P250,000 na hiningi niya sa kaniyang biktima.

Nakuha rin kay Ong ang isang .45 gloc pistol na baril, at mga pekeng t-shirt, tsapa at ID ng NBI.

May lisensiya ang baril ng suspek pero wala siyang maipakitang permit to carry.

Sa imbestigasyon ng NBI, lumitaw na nagpapanggap na NBI agent ang suspek at nag-alok ng tulong para ayusin ang problema sa pasaporte ng kaniyang biktima sa halagang P70,000 at umabot pa sa P250,000.

"Hiningian nila ng P250,000 itong si Eloy, 'yung complainant. Nagtanong-tanong itong complainant, eventually nakapagtanong sa NBI at nalaman niya na itong si Tomy Nikko Ong ay hindi pala talaga totoong NBI agent," sabi ni NBI-Anti-Fraud Division chief Head Agent Palmer Mallari.

Sinisikap pa ng GMA News na makuha ang panig ni Ong, na nahaharap sa kasong estafa, extortion, falsification of public documents at usurpation of authority.--Jamil Santos/FRJ, GMA News