Ilang kabataan ang nahuling naglalaro ng volleyball kahit na umiiral ang curfew sa Quezon City.
Ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, nagawa pa ng mga kabataan na batuhin ng bote ang mga taga-QC Task Force Disiplina na nanita sa kanila.
Naganap ang insidente pasado 3 a.m. sa isang bahagi ng NIA Road.
Bukod sa paglabag sa curfew, wala ring face mask ang ilan sa kabataan, habang yung iba naman ay mali ang pagkakasuot ng face mask. Wala ring social distancing ang halos 20 kabataan.
Kita sa video na nagtatago sa eskinita ang mga kabataan tuwing may dadaan na police mobile.
Nang mga taga-QC Task Force Disiplina na ang dumating ay binato sila ng bote.
"Pagdaan namin dun may sinita kaming mga kabataan na nagtakbuhan, bigla po kaming pinagbabato ng mga bote," ani Mary Ann del Rosario, miyembro ng task force.
Wala namang nasaktan sa mga miyembro ng task force. Anila, dalawang beses na itong nangyari sa kanila ngayong buwan tuwing reresponde sa lugar. —KBK, GMA News
