Aabot sa 100 pamilya ang nawalan ng tirahan dahil sa sunog na sumira sa 50 na mga bahay sa Taguig City, madaling-araw nitong Huwebes.

Iniulat ni Bam Alegre sa "Unang Balita" na dakong  5:41 a.m. na naideklarang fire out ang sunog sa Barangay Tanyag ng nasabing lungsod.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga taga-Bureau of Fire Protection, nagsimula ang apoy dakong alas-dos ng madaling araw.

Naging pahirapan umano ang pag-apula sa nito dahil isang masikip na eskinita lamang ang daanan upang mapasok ang compound ng mga nasunugan.

Kasabay pa umano ito sa scheduled Manila Water interruption na nagsimula alas-dies ng gabi noong Miyerkules at naibalik dakong alas-kwatro na ng magaling-araw nitong Huwebes.

Sa inisyal na ulat ng BFP, 50 na bahay ang nasunog at aabot naman  sa 100 pamilya ang apektado.

Dagdag pa, isang fireman ang nakuryente at nadala naman umano agad ang biktima sa pagamutan.

Iniimbestigahan pa ang sanhi ng sunog. —LBG, GMA News