Sumuko na sa mga awtoridad ang truck driver na sangkot sa salpukan ng mga sasakyan sa C5 flyover sa Pasig na ikinasawi ng dalawang babae nitong Lunes. Pero paliwanag niya, ang kotse ang bumangga sa kaniya.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Martes, kinilala ang driver na si Espanto Simplicio, 42-taong-gulang.

Ayon kay Simplicio, tinatahak niya ang nasabing tulay nang biglang may bumangga sa likod ng kaniyang truck.

Dagdag ng driver, nakaramdam siya ng takot kaya iniwan niya ang mga biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para malaman kung sino ang may kasalanan at dapat managot sa nangyaring insidente.

Maliban sa dalawang babaeng nasawi, sugatan ang dalawang lalaking sakay ng kotse.

Naunang sinabi ng nakaligtas na sakay ng korte na mayroon truck na bumangga sa kanila. --Jamil Santos/FRJ, GMA News

Tags: