Kasabay ng pagpapatupad ng Alert Level 4 sa COVID-19 situation sa National Capital Region simula sa Huwebes, Setyembre 16, 2021, sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Guillermo Eleazar, na aalisin na ang mga checkpoint.

Sa panayam ng GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, sinabi ni Eleazar na itutuon ng kapulisan ang kanilang atensiyon sa mga lugar na isasailalim sa "granular lockdowns."

“Wala na tayong checkpoint sa operation dahil narinig naman natin ng uniform naman itong Level 4,” ayon sa opisyal.

Nagpatupad ng checkpoints ang pulisya sa bawat hangganan ng lungsod mula nang isailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ang Metro Manila, hanggang sa mailipat sa modified enhanced community quarantine (MECQ) na magtatapos sa Sept. 15.

Simula sa Huwebes, Sept. 16, susubukan sa Metro Manila ang bagong sistema na "Alert Level" ang sitwasyon ng COVID-19 mula sa dating community quarantine classification para mabalanse umano ang kabuhayan [ekonomiya] at ang kalusugan.

Sinabi naman ni Eleazar na hindi na bago sa kanila ang pagpapatupad ng granular lockdowns dahil pinapairal ngayon ito sa 50 lugar sa Metro Manila.

Ang Alert Level 4 ang ikalawa sa pinakamataas na alert leevel. Idedeklara ito kung mataas ang kaso ng hawahan ng COVID-19 at mataas din ang utilization rate ng total beds and ICU beds sa mga pagamutan.

Sa Alert Level 4, bawal lumabas ng kanilang bahay ang mga sumusunod:

  • Wala pang 18-anyos
  • Mga edad 65 pataas
  • mayroon immunodeficiencies, comorbidities, o ibang peligro sa kalusugan
  • mga buntis

Ang mga nabanggit ay maaari lang lumabas para kumuha o bumili ng essential goods and services, o magtatrabaho sa mga industriya at tanggapan na pinapayagang mag-operate.—FRJ, GMA News