Inihayag ng OCTA Research group na nagkaroon ng pagtaas sa lingguhang COVID-19 positive growth rate sa National Capitol Region.

Sa ulat ng OCTA nitong Lunes, sinabing nagkaroon ng 8% na pag-angat sa positive growth rate sa NCR matapos makapagtala 435 cases per day mula Nov. 8 hanggang 14.

Bago nito, nasa 404 cases per day ang naitatala sa NCR, ayon sa OCTA.

Pero sinabi ni OCTA fellow Dr. Guido David na wala pa namang nakikitang upward trend sa mga kaso.

“There is no indication yet of an upward trend in cases. At this time, we assume we are seeing readjustment of numbers due to backlog,” ayon kay David.

Inihayag din ng OCTA, na kasunod ng naturang pagtaas sa seven-day average sa mga bagong kaso ng COVID-19 sa NCR, ang reproduction number ay nasa 0.52 mula sa 0.37.

Ang reproduction rate ay ang bilang ng mga tao na maaaring mahawahan ng isang taong positibo ng virus.

Kapag mas mababa sa 1 ang reproduction number, ibig sabihin ay bumabagal ang hawahan.

Sinabi naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, na kahit umangat ang positive weekly growth rate sa NCR, nasa low risk pa rin ang total bed utilization rate at ICU utilization rate sa rehiyon.

"‘Yung numero na kaso na nire-report, ‘yung trends natin, ‘yung epidemic curve, ‘yung reproduction number, positivity rate, wala pa tayong ganoong dapat ikabahala,” anang opisyal.

Gayunman, ipinaalala ni Vergeire na hindi dapat maging kampante ang publiko at kailangan pa ring mag-ingat.

“With the continuous increase in mobility or the decrease in the compliance to safety protocols atsaka ‘yung nakikita nating crowding, nandyan ‘yung malaking probilidad na baka tumaas ulit ang ating mga kaso, kaya kailangan tulong tulong tayo,” pahayag niya. —FRJ, GMA News