Isang luxury car ang nayupi nang sumalpok ito sa poste ng ilaw sa East Avenue corner Elliptical Road sa Quezon City nitong Sabado ng madaling araw.

Nangyari ang aksidente ng 4:30 ng umaga, ayon sa Quezon City Police District Traffic Center 3, base sa ulat ni Luisito Santos sa Dobol B TV.

Sa lakas ng pagkakasalpok ng Nissan GTR ay nabuwal ang bakal pati na ang sementong pinagkabitan nito.

Wala namang malalang sugat na natamo ang driver na tumangging magbigay ng pagkakilanlan. 

Gumana raw ang airbag ng sasakyan.

Tumanggi raw ang driver na dalhin siya ng ambulansiya sa ospital, ngunit kinalaunan ay nagpasugod din daw ito.

Sa ngayon ay hinihintay ng QCPD Traffic Center 3 na mai-turn over ang sasakyan dito.

Posibleng maharap sa kasong reckless imprudence resulting to damage to property ang driver. —KG, GMA News