Patay na nang matagpuan sa isang farm ang isang babaeng anim na taong gulang sa Victoria, Tarlac. Inilagay naman sa kustodiya ng pulisya ang menor de edad na itinuturing person of interest sa kaso.
Sa inilabas na pahayag ng pulisya ng Victoria, sinabing nakita ang bangkay ng biktima sa isang farm noong Biyernes, June 19, 2026. Una rito, inireport ng pamilya na nawawala ang biktima.
Kaagad umanong nagsagawa ng imbestigasyon ang pulisya nang malaman na nawawala ang bata at sinuri ang mga CCTV footage na makatutulong sa paghahanap sa biktima.
Hanggang sa matagpuan na ang katawan ng biktima, at kaagad na isinailalim sa kanilang kustodiya ang isang menor de edad na lalaking na pinaniniwalaang may kinalaman sa nangyaring krimen upang isailalim sa imbestigasyon.
“In accordance with Republic Act No. 9344, otherwise known as the Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, as amended, the minor was immediately turned over to the appropriate social welfare authorities for proper intervention and disposition,” ayon sa pahayag ng pulisya ng Victoria.
Hiniling din ng mga imbestigador na isailalim sa medico-legal examination ang labi ng biktima upang malaman ang dahilan ng pagkamatay nito at iba pang posibleng sinapit ng bata.
“The investigation remains ongoing. Authorities are coordinating closely with the victim’s family and concerned agencies to ensure that all circumstances surrounding the incident are thoroughly established and that appropriate legal actions are undertaken based on the evidence gathered,” ayon sa pulisya. – FRJ GMA News

