Isang 16-anyos na binatilyo ang idineklarang dead on arrival sa ospital matapos siyang saksakin sa leeg ng kapuwa niya menor de edad sa Sampaloc, Maynila noong madaling-araw ng Biyernes, Hunyo 19.

Ayon sa ulat ni Jhomer Apresto ng GMA News sa "24 Oras Weekend" nitong Linggo, makikita sa CCTV footage ang isang grupo ng mga kabataan na nagmamadaling isinugod sa ospital ang biktima gamit ang isang pedicab sa Barangay 432.

Sinabi ng mga opisyal ng barangay na nag-iinuman ang suspek at biktima sa Geronimo Street, na nauwi sa mainitang pagtatalo at humantong sa pananaksak.

Sa isang CCTV footage, makikita ang biktima na hawak ang kaniyang leeg habang sinusubukan siyang tulungan ng ilang kabataan bago siya tuluyang bumagsak sa lupa.

Samantala, nakuhanan din ng camera ang suspek habang tumatakas at may bitbit ang patalim.

Makikita rin ang ina ng suspek na sinusubukang kunin ang patalim mula sa anak. Ilang sandali pa, sinubukan ng mga residente na dalhin siya sa barangay hall ngunit nagawang makatakas ng suspek.

Kalaunan, naaresto ang 17-anyos na suspek at ililipat sa Boys Town Complex sa ilalim ng pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon kay Manila Police District Station 4 commander Bryan Sagayadoro, ipauubaya nila sa korte ang pasya sa kalalabasan ng kaso laban sa suspek.

Sa hiwalay namang insidente sa Sampaloc, isa pang menor de edad ang inatake ng isang grupo ng mga kabataan noong Huwebes, Hunyo 18, at isa sa mga ito ang sumaksak sa kaniya.

Isinugod sa ospital ang biktima ngunit nananatili pa rin siyang walang malay. Ayon sa mga doktor, tinamaan ng saksak ang isa sa kaniyang mga bato (kidney).

Dalawa sa 10 menor de edad na suspek sa naturang insidente ang naaresto na at isasailalim din sa pangangalaga ng DSWD.

Patuloy na hinihingi ng GMA News ang panig ng mga magulang ng mga suspek sa parehong insidente. – FRJ GMA News