Nilinaw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) nitong Lunes na pauuwiin lang ng kanilang bahay ang mga taong lalabas sa kalsada na wala pang turok ng COVID-19  vaccines.

Ito ang nilinaw sa GMA News’ Unang Balita ni Interior Secretary Eduardo Año, kaugnay sa gagawing paglimita sa kilos ng mga hindi pa bakunado dahil sa pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.

“Ang ating mga barangay captains at mga kapulisan ay magsasagawa ng mga checkpoint. Kung ikaw ay hindi bakunado, pauuwiin ka, ‘yun lang naman. Pero kung ikaw ay magre-resist ay talagang sapilitan kang iuuwi,” dagdag ng kalihim.

Nitong Huwebes, inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga barangay official na panatilihin sa mga bahay ang mga hindi pa bakunado para hindi mahawa ng COVID-19.

“Ang ibig sabihin naman nito ay ili-limit natin ang kilos ng mga hindi bakunado na dapat ay sa bahay lang muna sila habang meron tayong surge. Habang nagaganap itong biglang maramihang transmission,” ayon kay Año.

Una rito, sinabi ni Año na "last resort" na lamang ang pag-aresto kung magmamatigas ang isang tao na sumunod sa atas ng mga awtoridad sa hindi bakunadong tao.

Sinabi rin ni Justice Secretary Menardo Guevarra na maaaring arestuhin ng awtoridad ang isang tao kung manlalaban na siya sa "persons in authority."

Nagbabala rin si Año sa mga mahuhulihan ng mga pekeng vaccination cards para makalabas ng bahay.

“Pupuwede na siyang hulihin diyan sapagkat caught in the act siya na meron siyang dala-dala na fake na document,” ani Año.

Nauna nang inaprubahan ng Metro Manila Council, ang kasunduan na dapat manatili lang sa bahay ang mga hindi bakunado. Maliban na lamang kung may bibilhin "essential goods and services" habang nasa Alert Level 3 ang National Capital Region.

Bukod sa Metro Manila, nasa Alert Level 3 din hanggang Enero 15 ang Bulacan, Cavite, Rizal, at Laguna.— FRJ, GMA News