Isang lalaki na umano'y planong magnakaw ng kable ng telepono ang nadisgrasya matapos na makuryente sa Sampaloc, Maynila.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA news "24 Oras" nitong Lunes, sinabing nakita ang suspek na agaw-buhay na nakasabit sa puno matapos na lagariin umano ang kable telepono.

"Sunog na sunog siya doon. Buhay pa siya. Buhay pa, nagsasalita pa siya, tinatawag niya nanay niya," ayon kay Barangay 473-Chairman Luis Domingo.

Nagdulot umano ng brownout sa lugar dahil sa insidente nang may sumabog sa poste ng ilaw.

Kritikal ang kalagayan ng suspek sa ospital na hindi pa kilala, habang biglang nawala ang sinasabing kasabwat niya na nakunan sa CCTV camera na nagtutulak ng kariton.

"Kunwari scavenger sila pero iba ang layunin nila. Kahit may tanod diyan, tingnan niyo 'yan. Kaya nire-request ko bawasan ng kaunti yung mga punong laylayan, sa baba. Para nakikita nga ng camera. Abot na abot ng camera yung taong nagtatago diyan," ani Domingo.

— FRJ, GMA News